Wednesday, August 22, 2012

Hagdan-hagdang Palayan

Unang Yugto: Ang Paglalakbay

Dalawang malaking kadahilanan kumbakit ako tumungo sa Batad, Banaue, Ifugao noong gabi ng Hulyo 13, 2012. Una: hindi ko pa nararating ang lugar na ito at ikalawa: ako ay nag-boluntaryo para sa bachang.

Kung isasalin sa tagalong ang kahulugan ng bachang ay bayanihan. Ang gawaing ito ay pinagunahan ng isang potograpo na nagnanais na maibalik ang kagandahan ng hagdan-hagdang palayan ng Batad. (Basahin dito angtungkol kay John Chua) Pormal na inilunsad noong Peberero ng taong ito, ang bachang ay naglalayon ng hikayatin ang mga bawat isa na tumulong sa pagsasaayos ng mga palayan na sinalanta ng mga bagyo, ilang taon na rin ang nakalilipas.
 
Mga Bagong Kaibigan

Tinangka kong magbuo ng sariling pangkat noong bandang Abril at Mayo ngunit hindi ako nakalikom ng sapat na ‘oo’ ng mga kaibigan at kakilala upang matuloy. Pagkaraang ng maraming linggo, isang grupo ang nangangailan ng karagdagang miyembro ang aking sinalihan. 
Siyam kaming lahat na nagkita-kita sa terminal ng Ohayami sa Sampaloc. 1)Si Oca – ang nagbuo ng pangkat at tumayong lider, 2) & 3) sina Caryll at Jasyon – magkasintahan at kasama ni Oca sa IIEE, sina 4) & 5) Wendy at Opet – mga kaibigan mula rin sa IIEE, sina 6) & 7)Em-Joy at William – magkasamahan sa trabaho at hinatak ni 8) Ryan – isa sa mga tumugon sa panawagan ni Oca para sa karagdagang tao na nais mag-bachang at 9) ako- ang tanging walang kilala na sinuman. 
Gabi ang biyahe ng mga bus patungong Banaue
Sinakyan naming ang biyaheng ika-10 ng gabi. Kung walang magiging aberya, darating kami sa Banaue ng ika-6 or ika-7 ng umaga kinabukasan.

Kapag unang pagkakataon kong pupuntahan ang isang lugar, o dadaanan ang isang ruta, hindi ako agad makatulog. Mabuti naman ang may pagka-makwento si Oca at hindi ako nainip. Napag-usapan namin ang buhay-buhay noong kolehiyo. At dahil magkasing-tanda kami at gawi siya sa UP Diliman, maraming pamilyar na bagay ang napag-kwentuhan. Sa daang Marharlika, bandang San Miguel, Bulacan na ako tuluyang inantok at nakatulog.

May mga pagkakataong naaalimpungatan ako sa mabilis na takbo ng bus. Bagama’t halos hindi ko maidilat ang aking mga mata dahil sa antok, nararamdaman ko na kami ay bumabagtas sa isang zigzag. Marami ring mga trak at bus kaming nakakasabay.

Sa isang parte ng Dalton pass (pero hindi ko pa alam na ito ang pangalan ng lugar nang oras na iyon), nagka-trapik at tuluyang nag-usad pagong ang bus. Ginagawa ang kalsada at sa wari ko’y may mag lugar na hindi maaaring magsalubungan. Kung tama ang tantiya ko, halos isang oras kaming ganito.

Ika-4 ng umaga nang kami ay huminto sa Nueva Vizcaya
Huminto ang bus sa isang gasolinahang may restoran sa Nueva Vizcaya. Ika-4 na ng umaga, bumaba kami para makapag-inat-inat at unat-unat. Siyempre, ako ay nagkape.

Matapos ang 30 minuto, muli naming binagtas ang daan patungong Banaue. Bandang ika-7 ng umaga, ng muli ang namulat, ito na ang aking nakita.
Ang bayan ng Lagawe, Ifugao
Humigit kumulang isang oras pa at narating na rin naming ang Banaue, Ifugao. Mula sa istasyon ng bus, sinalubong kami ni Webber ang aming guide. Lumipat kami sa isang pampasarehong jeep na inarkila patungong Batad. Nagbigay ng ilang paalala tungkol sa pag-iingat at kaligtasan ang aming guide pati na rin sa kung ano ang aming dapat asahan sa bachang.

Ilang paalala bago tumulak ng Batad


'Patikim' ng mga hagdan-hagdang palayan

Wednesday, August 1, 2012

Biak na Bato Adventure

Sa kagustuhang masulit ang bakasyon ng mga bata, sinusubukan naming pumunta sa isang bagong lugar bawat weekend noong tag-init. Sa paghahanap ng hindi-gaanong malayong lugar na maaaring gugulan ng isang buong maghapon, napagpasyahan kong tumungo sa Biak-na-Bato noong Abril 8, 2012. Bukod sa pagalalamyerda, inisip ko na ring magandang mapuntahan ang mga makasaysayang lugar.

Ang Paglalakbay
Humigi’t kumulang dalawang oras ang pagalalakbay patungo sa Biak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan. Dahil unang pagkakataon ko pa lamang na magmaneho sa daang-Maharlika, may kabagalan ang pagpunta dahil kasama rito ang pagmamasid at pagkuha ng mga larawan.
Huminto rin kami sa isang gasolinahan para makapag-inat-inat at ako naman ay nagkape.

Masarap na kape sa San Rafael


Pambansang Liwasan ng Biak-na-Bato
Bagama’t may kalayuan, hindi naman mahirap matunton ang lugar. Unang babati sa iyo ang mga nagalalakihang puno na nagbibigay lilim bagama’t mainit ang sikat ng araw. Sa isip-isip ko: “Aba, meron pa palang ganito.” Agad na may sumalubong na guides na may sukbit na mga ID sa amin. Matapos ang ilang minuto na pagpapaliwanag ukol sa lugar at pagbabayad ng entrance fee, sinamahan na kami ng aming guide papasok sa loob.
Ayon sa mapa, ang lugar ay may higit na isang-daang kuweba bagama’t ang loob ng parke ay may humigi-kumulang dalawampu na siyang pinaka-napupuntahan ng mga namamasyal.
Mapa sa Entrance

May historical marker pagpasok sa parke. Dito nakasaad ang kahalagahan ng Biak-na-Bato sa kasaysayan ng Pilipinas.
Dito nagkuta si Emilio Aguinaldo
Tulay patungo sa loob ng parke

Mga Kuweba at Ilog
Sa paglakad papasok, tatambad sa iyo ang mga rock formations.
Matutuwa ang mga geologists sa mga batong ito

Nagdesisyon an gaming guide na sa Paniki Cave kami humimpil para mag-picnic at maligo sa ilog. Dahil medyo maaga pa, kami ang nauna na lugar at nakapili ng magandang puwesto para paglatagan. Agad namang naglublob ang mga bata sa mababaw na lugar ng ilog.

Malamig na tubig, masayang paglubluban

Hindi na kailangang lumayo upang maranasan ang ganitong kapaligiran

Kay-sarap magpalamig


Matatapos ang humigit-kumulang isang oras, pinasya na naming pasyalan pa ang ibang lugar sa loob ng park. Nagsisimula na ring dumami ang mga tao batay sa mga nasasalubong sa daan boses na naririnig mo sa likod ng mga bato at puno.
Siyempre, dapat daanan ang Aguinaldo Cave. Ang pinakamalaking kuweba na siyang nagsilbing punong himpilan ni Emilio Aguinaldo.


Sadyang magaganda ang kuweba sa lugar na ito


Niyaya kami ng aming guide na tumungo sa Maningning Cave. Dito raw makikita ang mga makikislap na kristal. Bitbit ang flashlight, payuko kaming pumasok sa kuweba. Dahil ang daan papasok ay pababa at may kadulasan, nagpadausdos na lamang kami ng dahan-dahan.

Noon lamang ako nakapasok sa isang napakadilim na kuweba. Nakakahanga nga ang mga bata sapagkat hindi sila natakot. Samantalang ako ay huminto na pagdating sa isang madulas na lugar at hinintay na lamang silang bumalik. Nakakuha rin naman ako ng larawan ng ibang makikislap na bagay.

Stalactite sa Maningning Cave


Oras na ng tanghalian nang kami ay bumalik sa parking lot. Mabuti at may mga banyo kung saan kami ay nakaligo bago kumain sa karinderya doon rin sa may parking lot.

Sa pangkalahatan, isang nakakapagod ngunit masayang karanasan ang pagpunta sa Biak-na-bato. Malaki ang potensyal nito sa turismo.
Nais ko lamang din ilahad ang ilang puna ukol sa lugar:
  1. Maraming nagkalat na basura at plastik. Maganda kung maituturo sa bawat turistang magpupunta sa lugar ang kahalagahan ng hindi pagkakalat. Napaka-ganda ng lugar at huwag sanang hayaang masira ng mga kalat.
  2.  Paninira ng mga kuweba. Maraming bandalismo ang iba’t ibang lugar. Nakakahinayang sapagkat hindi na maibabalik ang dating anyo ng mga ito. May mga natitinda rin ng mga kristal na kihuha mismo sa loob ng kuweba. Sana ay mapaalalahanan ang mga naninirahan sa lugar na sila ang unang dapat mangalaga ng kanilang kapaligiran.
Sana sa aming pagbalik, kundi man mas umayos ay hindi n asana magtuloy-tuloy ang mga pagkasira ng lugar na aming nakita.