Wednesday, August 22, 2012

Hagdan-hagdang Palayan

Unang Yugto: Ang Paglalakbay

Dalawang malaking kadahilanan kumbakit ako tumungo sa Batad, Banaue, Ifugao noong gabi ng Hulyo 13, 2012. Una: hindi ko pa nararating ang lugar na ito at ikalawa: ako ay nag-boluntaryo para sa bachang.

Kung isasalin sa tagalong ang kahulugan ng bachang ay bayanihan. Ang gawaing ito ay pinagunahan ng isang potograpo na nagnanais na maibalik ang kagandahan ng hagdan-hagdang palayan ng Batad. (Basahin dito angtungkol kay John Chua) Pormal na inilunsad noong Peberero ng taong ito, ang bachang ay naglalayon ng hikayatin ang mga bawat isa na tumulong sa pagsasaayos ng mga palayan na sinalanta ng mga bagyo, ilang taon na rin ang nakalilipas.
 
Mga Bagong Kaibigan

Tinangka kong magbuo ng sariling pangkat noong bandang Abril at Mayo ngunit hindi ako nakalikom ng sapat na ‘oo’ ng mga kaibigan at kakilala upang matuloy. Pagkaraang ng maraming linggo, isang grupo ang nangangailan ng karagdagang miyembro ang aking sinalihan. 
Siyam kaming lahat na nagkita-kita sa terminal ng Ohayami sa Sampaloc. 1)Si Oca – ang nagbuo ng pangkat at tumayong lider, 2) & 3) sina Caryll at Jasyon – magkasintahan at kasama ni Oca sa IIEE, sina 4) & 5) Wendy at Opet – mga kaibigan mula rin sa IIEE, sina 6) & 7)Em-Joy at William – magkasamahan sa trabaho at hinatak ni 8) Ryan – isa sa mga tumugon sa panawagan ni Oca para sa karagdagang tao na nais mag-bachang at 9) ako- ang tanging walang kilala na sinuman. 
Gabi ang biyahe ng mga bus patungong Banaue
Sinakyan naming ang biyaheng ika-10 ng gabi. Kung walang magiging aberya, darating kami sa Banaue ng ika-6 or ika-7 ng umaga kinabukasan.

Kapag unang pagkakataon kong pupuntahan ang isang lugar, o dadaanan ang isang ruta, hindi ako agad makatulog. Mabuti naman ang may pagka-makwento si Oca at hindi ako nainip. Napag-usapan namin ang buhay-buhay noong kolehiyo. At dahil magkasing-tanda kami at gawi siya sa UP Diliman, maraming pamilyar na bagay ang napag-kwentuhan. Sa daang Marharlika, bandang San Miguel, Bulacan na ako tuluyang inantok at nakatulog.

May mga pagkakataong naaalimpungatan ako sa mabilis na takbo ng bus. Bagama’t halos hindi ko maidilat ang aking mga mata dahil sa antok, nararamdaman ko na kami ay bumabagtas sa isang zigzag. Marami ring mga trak at bus kaming nakakasabay.

Sa isang parte ng Dalton pass (pero hindi ko pa alam na ito ang pangalan ng lugar nang oras na iyon), nagka-trapik at tuluyang nag-usad pagong ang bus. Ginagawa ang kalsada at sa wari ko’y may mag lugar na hindi maaaring magsalubungan. Kung tama ang tantiya ko, halos isang oras kaming ganito.

Ika-4 ng umaga nang kami ay huminto sa Nueva Vizcaya
Huminto ang bus sa isang gasolinahang may restoran sa Nueva Vizcaya. Ika-4 na ng umaga, bumaba kami para makapag-inat-inat at unat-unat. Siyempre, ako ay nagkape.

Matapos ang 30 minuto, muli naming binagtas ang daan patungong Banaue. Bandang ika-7 ng umaga, ng muli ang namulat, ito na ang aking nakita.
Ang bayan ng Lagawe, Ifugao
Humigit kumulang isang oras pa at narating na rin naming ang Banaue, Ifugao. Mula sa istasyon ng bus, sinalubong kami ni Webber ang aming guide. Lumipat kami sa isang pampasarehong jeep na inarkila patungong Batad. Nagbigay ng ilang paalala tungkol sa pag-iingat at kaligtasan ang aming guide pati na rin sa kung ano ang aming dapat asahan sa bachang.

Ilang paalala bago tumulak ng Batad


'Patikim' ng mga hagdan-hagdang palayan

No comments:

Post a Comment