Sunday, September 23, 2012

Hagdan-hagdang Palayan - Ikatlong Yugto



Ikatlong Yugto: Bachang


Hulyo 15, 2012

Bagama’t pagod mula sa pagbagtas ng mga palayan isang araw ang nakalipas, maaga akong nagising upang maghanda para sa gawain na siyang unang dahilan kumbakit kaming lahat ay naririto sa Batad – ang Bachang. Gaya ng inaasahan, malamig ang ihip ng hangin sa ika-6 ng umaga maging ang tubig mula sa gripo ng banyo. Ngunit imbes na gamitin ang pampainit ng tubig, nagpasya akong maligo na gamit ang tubig na diretso mula sa gripo. Sa loob-loob ko, narito na rin lamang ako sa Batad, mangyaring gawin ko itong tunay na kakaibang karanasan.

Ika-7 ng umaga, lahat kami ay bihis na at handa nang mag-agahan. Para sa aming maagang bumaba sa kainan, sinubukan naming ang ibang pagkain mula sa menu. Tinikman ko ang malawach – isang uri ng tinapay na niluluto sa mantika at pinapahiran ng minatamis na prutas.

Malawach - tinapay na masarap samahan ng Strawberry Jam



Sapagka't sanay ang mga taga-rito sa banyagang bisita, hindi mawawala sa listahan ang pizza.

Bandang ika-8, tumulak na kami pabalik ng palayan upang umpisahan ang Bachang. Kahit araw ng Linggo, may dalawang lokal ang sumama sa amin bukod pa kay Webber.

Naatasan kaming ilipat ang mga gumuhong bato mula sa aming kinatatayuan papanik ng dalawang lebel. Ang paglilipat ay sa pamamagitan ng pagpasa-pasa ng bato mula sa ibaba, hangaang sa tumpok sa itaas. Walang ibang kagamitan kundi ang aming mga kamay sapagkat hindi maipapanhik sa ‘hagdan’ ang mga kartilya.

Si Ryan na pinagmamasdan ang mga batong dapat ilipat

Bago simulan ang Bachang- habang presko pa ang lahat

Walang kaulapan ang mataas ang sikat ng araw. Lahat kami ay pawisan ngunit masaya sa kaalamang kami ay naging bahagi ng pagsasaayos ng isang kayamanan ng ating bansa.

Dumating rin sina Jan at David para tumulong. Nakakatuwang sineryoso nila ang aming paanyaya.

Nakuha pa naming magbiruan at magkwentuhan upang hindi kaagad maramdaman ang pagod.

Pagkatapos mag-Bachang. Larawan ay mula sa Facebook page ni Oscar.

Hindi dapat mawala ang jump shot. Larawan mula sa Facebook page ni Oscar

 Mahigit na tatlong oras ang inilagi naming sa init ng araw. Tatlong makabuluhang oras ng paglalaan ng lakas para sa iyong kultura, para sa iyong kababayan, para sa iyong bansa. Nasunog man ang balat ng iba sa amin, tiyak na ipagmamalaki ang sun burn na ito. 

Pagkatapos ng bachang, isang tanghalian ng pinikpikan at tapuy ang naghihintay sa amin.

Pinikpikan


Makapananghalian, bumalik kami sa Simon's Inn upang mamahinga ng ilang oras bago tumulak pauwi. Sinamantala na rin namin ang pagkakataong pasyalan ang ibang hagdan-hagdang palayan sa Banaue.



Pagod ngunit masaya.

Sa likod ay ang palayan na makikita sa perang papel.

Bagama't gaano ko mang isipin, sa wari ko ay hindi  kakayanin ng mga salita ang kaganapang aking naramdaman sa biyaheng ito. Bukod sa nasaksihan ko ang ganda ng mga bulubundukin ng hilagang Pilipinas, nakapaglaan pa ako ng oras upang tumulong sa pagsasaayos nito.

Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang pagpapana-uli ng mga hagdan-hagdang palayan. Marami pang dapat isaayos - umpisa lamang ang sa Batad. Kung kaya, ang paglalakbay na ito ay itinuturing kong umpisa lamang. Tinitiyak kong mayroon pang kasunod ito.

------

PS
Maraming salamat kay Oscar dela Cruz sa pagsasaayos ng lakbay na ito. Mabuhay ka at ang iyong adhika.


 

No comments:

Post a Comment