Sunday, September 9, 2012

Hagdan-hagdang Palayan - Ikalawang Yugto

Ikalawang Yugto: Pasyal sa Talon ng Tappiya


Hulyo 14, 2012

Sa Batad Saddle Point na kami dapat ihahatid ng inarkilang jeep. Pero sa kasamaang palad, dahil sa lakas ng ulan noong mga nakaraang araw, may mga gumuhong lupa at bato mula sa bundok at humarang sa kalsada. Kinailangan kaming bumaba, bagtasin ang daan hanggang sa malampasan ang mga bato, at saka ulit sumakay ng isa pang jeep. Ang dapat na 40 minuto na pagsakay ay umabot ng mahigit na isang oras.

Mga gumuhong bato na nagsara ng kalsada

Isa sa mga talon na nilikha ng gumuhong bato mula sa kabundukan


Siyempre, sinamantala na rin naming kumuha ng litrato upang malibang habang naglalakad.

Pawis, pawis at pawis pa!

Nang marating ang Saddle Point, nakakain na rin kami ng agahan!

Ito ang tanawin habang nag-aagahan

Matapos mag-agahan, nagsimula na naman kaming lumakad pababa ng Batad, patungo sa mismong barangay. Bagama’t itinuturing kong sanay ako sa ehersisyo, ibang klase pa rin ang bumagtas ng daan sa gilid ng kabundukan na sukbit mo ang iyong bag na puno ng gamit ng pandalawang araw at mga lalagyang puno ng tubig.

Dakong ika-11 na ng umaga nang marating naming ang Simon’s Inn. Kaya’t sa halip na gawin naming ang bachang ng hapon na iyon, napagkasunduan na gawin na lamang ito kinabukasan. Babagtasin na lamang naming ang palayan patungong Talon ng Tappiya para sa nalalabing bahagi ng araw.

Pagod, pawisan at uhaw -ito ang pare-pareho naming pisikal na nararamdaman. Ngunit ang luntiang kapaligiran, ang malamig-lamig na ihip ng hanging atang tanawin ng hagdan-hagdang palayan ng Batad ay nakapagbibigay ng kakaibang sigla.

Tanawin mula sa isa sa mga bintana ng  Simon's Inn


Ang pagbaybay sa mga pilapil

Ika-2 ng hapon nang umpisahan naming ang pagbaba sa mga pilapil ng Batad upang dumaan muna sa loob ng barangay bago muling tumahak pataas upang tawirin ang bundok.

Sina EmJoy at Caryll
Ginintuang palay ng Batad

Hindi na ako gaanong nakakuha ng mga larawan sa malaking bahagi ng aming paglalakad. Mas itinutuon ko kasi ang aking pansin at lakas sa paghakbang ng malalaking baitang.

Nang marating naming ang pahingahang kubo bago muling bumagtas pababa ng Talon ng Tappiya, saglit kaming nagpahinga. Alam na alam na rin ng mga lokal roon na uuhawin ang sinumang makakarating sa lugar na iyon. Ang tubig ay nagkakahalaga ng P70!

Gaya ng inaasahan, sulit ang ipinawis ng noo, likod at batok mo pagdating sa Talon ng Tappiya.

Maraming turista ang naliligo sa malamig na tubig ng Talon ng Tappiya
Nakikita n'yo ba ang umpukan ng mga tao sa kabila ng mga bato?
Nagsimula kaming maglakad nang nag-umpisang umambon. Nang tuluyang bumuhos ang ulan, kataon namang nakasilong na kami sa pahingahang kubo. Dito, naabutan namin ang dalawang banyagang lalaki na nagngangalang David Applebaum at Jan Burian. Pawang mga turista na nililibot ang Pilipinas. Dito na rin namin sinamantala na ayain silang mag-bachang kinabukasan.

No comments:

Post a Comment