Showing posts with label environment. Show all posts
Showing posts with label environment. Show all posts

Sunday, September 23, 2012

Hagdan-hagdang Palayan - Ikatlong Yugto



Ikatlong Yugto: Bachang


Hulyo 15, 2012

Bagama’t pagod mula sa pagbagtas ng mga palayan isang araw ang nakalipas, maaga akong nagising upang maghanda para sa gawain na siyang unang dahilan kumbakit kaming lahat ay naririto sa Batad – ang Bachang. Gaya ng inaasahan, malamig ang ihip ng hangin sa ika-6 ng umaga maging ang tubig mula sa gripo ng banyo. Ngunit imbes na gamitin ang pampainit ng tubig, nagpasya akong maligo na gamit ang tubig na diretso mula sa gripo. Sa loob-loob ko, narito na rin lamang ako sa Batad, mangyaring gawin ko itong tunay na kakaibang karanasan.

Ika-7 ng umaga, lahat kami ay bihis na at handa nang mag-agahan. Para sa aming maagang bumaba sa kainan, sinubukan naming ang ibang pagkain mula sa menu. Tinikman ko ang malawach – isang uri ng tinapay na niluluto sa mantika at pinapahiran ng minatamis na prutas.

Malawach - tinapay na masarap samahan ng Strawberry Jam



Sapagka't sanay ang mga taga-rito sa banyagang bisita, hindi mawawala sa listahan ang pizza.

Bandang ika-8, tumulak na kami pabalik ng palayan upang umpisahan ang Bachang. Kahit araw ng Linggo, may dalawang lokal ang sumama sa amin bukod pa kay Webber.

Naatasan kaming ilipat ang mga gumuhong bato mula sa aming kinatatayuan papanik ng dalawang lebel. Ang paglilipat ay sa pamamagitan ng pagpasa-pasa ng bato mula sa ibaba, hangaang sa tumpok sa itaas. Walang ibang kagamitan kundi ang aming mga kamay sapagkat hindi maipapanhik sa ‘hagdan’ ang mga kartilya.

Si Ryan na pinagmamasdan ang mga batong dapat ilipat

Bago simulan ang Bachang- habang presko pa ang lahat

Walang kaulapan ang mataas ang sikat ng araw. Lahat kami ay pawisan ngunit masaya sa kaalamang kami ay naging bahagi ng pagsasaayos ng isang kayamanan ng ating bansa.

Dumating rin sina Jan at David para tumulong. Nakakatuwang sineryoso nila ang aming paanyaya.

Nakuha pa naming magbiruan at magkwentuhan upang hindi kaagad maramdaman ang pagod.

Pagkatapos mag-Bachang. Larawan ay mula sa Facebook page ni Oscar.

Hindi dapat mawala ang jump shot. Larawan mula sa Facebook page ni Oscar

 Mahigit na tatlong oras ang inilagi naming sa init ng araw. Tatlong makabuluhang oras ng paglalaan ng lakas para sa iyong kultura, para sa iyong kababayan, para sa iyong bansa. Nasunog man ang balat ng iba sa amin, tiyak na ipagmamalaki ang sun burn na ito. 

Pagkatapos ng bachang, isang tanghalian ng pinikpikan at tapuy ang naghihintay sa amin.

Pinikpikan


Makapananghalian, bumalik kami sa Simon's Inn upang mamahinga ng ilang oras bago tumulak pauwi. Sinamantala na rin namin ang pagkakataong pasyalan ang ibang hagdan-hagdang palayan sa Banaue.



Pagod ngunit masaya.

Sa likod ay ang palayan na makikita sa perang papel.

Bagama't gaano ko mang isipin, sa wari ko ay hindi  kakayanin ng mga salita ang kaganapang aking naramdaman sa biyaheng ito. Bukod sa nasaksihan ko ang ganda ng mga bulubundukin ng hilagang Pilipinas, nakapaglaan pa ako ng oras upang tumulong sa pagsasaayos nito.

Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang pagpapana-uli ng mga hagdan-hagdang palayan. Marami pang dapat isaayos - umpisa lamang ang sa Batad. Kung kaya, ang paglalakbay na ito ay itinuturing kong umpisa lamang. Tinitiyak kong mayroon pang kasunod ito.

------

PS
Maraming salamat kay Oscar dela Cruz sa pagsasaayos ng lakbay na ito. Mabuhay ka at ang iyong adhika.


 

Sunday, September 9, 2012

Hagdan-hagdang Palayan - Ikalawang Yugto

Ikalawang Yugto: Pasyal sa Talon ng Tappiya


Hulyo 14, 2012

Sa Batad Saddle Point na kami dapat ihahatid ng inarkilang jeep. Pero sa kasamaang palad, dahil sa lakas ng ulan noong mga nakaraang araw, may mga gumuhong lupa at bato mula sa bundok at humarang sa kalsada. Kinailangan kaming bumaba, bagtasin ang daan hanggang sa malampasan ang mga bato, at saka ulit sumakay ng isa pang jeep. Ang dapat na 40 minuto na pagsakay ay umabot ng mahigit na isang oras.

Mga gumuhong bato na nagsara ng kalsada

Isa sa mga talon na nilikha ng gumuhong bato mula sa kabundukan


Siyempre, sinamantala na rin naming kumuha ng litrato upang malibang habang naglalakad.

Pawis, pawis at pawis pa!

Nang marating ang Saddle Point, nakakain na rin kami ng agahan!

Ito ang tanawin habang nag-aagahan

Matapos mag-agahan, nagsimula na naman kaming lumakad pababa ng Batad, patungo sa mismong barangay. Bagama’t itinuturing kong sanay ako sa ehersisyo, ibang klase pa rin ang bumagtas ng daan sa gilid ng kabundukan na sukbit mo ang iyong bag na puno ng gamit ng pandalawang araw at mga lalagyang puno ng tubig.

Dakong ika-11 na ng umaga nang marating naming ang Simon’s Inn. Kaya’t sa halip na gawin naming ang bachang ng hapon na iyon, napagkasunduan na gawin na lamang ito kinabukasan. Babagtasin na lamang naming ang palayan patungong Talon ng Tappiya para sa nalalabing bahagi ng araw.

Pagod, pawisan at uhaw -ito ang pare-pareho naming pisikal na nararamdaman. Ngunit ang luntiang kapaligiran, ang malamig-lamig na ihip ng hanging atang tanawin ng hagdan-hagdang palayan ng Batad ay nakapagbibigay ng kakaibang sigla.

Tanawin mula sa isa sa mga bintana ng  Simon's Inn


Ang pagbaybay sa mga pilapil

Ika-2 ng hapon nang umpisahan naming ang pagbaba sa mga pilapil ng Batad upang dumaan muna sa loob ng barangay bago muling tumahak pataas upang tawirin ang bundok.

Sina EmJoy at Caryll
Ginintuang palay ng Batad

Hindi na ako gaanong nakakuha ng mga larawan sa malaking bahagi ng aming paglalakad. Mas itinutuon ko kasi ang aking pansin at lakas sa paghakbang ng malalaking baitang.

Nang marating naming ang pahingahang kubo bago muling bumagtas pababa ng Talon ng Tappiya, saglit kaming nagpahinga. Alam na alam na rin ng mga lokal roon na uuhawin ang sinumang makakarating sa lugar na iyon. Ang tubig ay nagkakahalaga ng P70!

Gaya ng inaasahan, sulit ang ipinawis ng noo, likod at batok mo pagdating sa Talon ng Tappiya.

Maraming turista ang naliligo sa malamig na tubig ng Talon ng Tappiya
Nakikita n'yo ba ang umpukan ng mga tao sa kabila ng mga bato?
Nagsimula kaming maglakad nang nag-umpisang umambon. Nang tuluyang bumuhos ang ulan, kataon namang nakasilong na kami sa pahingahang kubo. Dito, naabutan namin ang dalawang banyagang lalaki na nagngangalang David Applebaum at Jan Burian. Pawang mga turista na nililibot ang Pilipinas. Dito na rin namin sinamantala na ayain silang mag-bachang kinabukasan.

Wednesday, August 22, 2012

Hagdan-hagdang Palayan

Unang Yugto: Ang Paglalakbay

Dalawang malaking kadahilanan kumbakit ako tumungo sa Batad, Banaue, Ifugao noong gabi ng Hulyo 13, 2012. Una: hindi ko pa nararating ang lugar na ito at ikalawa: ako ay nag-boluntaryo para sa bachang.

Kung isasalin sa tagalong ang kahulugan ng bachang ay bayanihan. Ang gawaing ito ay pinagunahan ng isang potograpo na nagnanais na maibalik ang kagandahan ng hagdan-hagdang palayan ng Batad. (Basahin dito angtungkol kay John Chua) Pormal na inilunsad noong Peberero ng taong ito, ang bachang ay naglalayon ng hikayatin ang mga bawat isa na tumulong sa pagsasaayos ng mga palayan na sinalanta ng mga bagyo, ilang taon na rin ang nakalilipas.
 
Mga Bagong Kaibigan

Tinangka kong magbuo ng sariling pangkat noong bandang Abril at Mayo ngunit hindi ako nakalikom ng sapat na ‘oo’ ng mga kaibigan at kakilala upang matuloy. Pagkaraang ng maraming linggo, isang grupo ang nangangailan ng karagdagang miyembro ang aking sinalihan. 
Siyam kaming lahat na nagkita-kita sa terminal ng Ohayami sa Sampaloc. 1)Si Oca – ang nagbuo ng pangkat at tumayong lider, 2) & 3) sina Caryll at Jasyon – magkasintahan at kasama ni Oca sa IIEE, sina 4) & 5) Wendy at Opet – mga kaibigan mula rin sa IIEE, sina 6) & 7)Em-Joy at William – magkasamahan sa trabaho at hinatak ni 8) Ryan – isa sa mga tumugon sa panawagan ni Oca para sa karagdagang tao na nais mag-bachang at 9) ako- ang tanging walang kilala na sinuman. 
Gabi ang biyahe ng mga bus patungong Banaue
Sinakyan naming ang biyaheng ika-10 ng gabi. Kung walang magiging aberya, darating kami sa Banaue ng ika-6 or ika-7 ng umaga kinabukasan.

Kapag unang pagkakataon kong pupuntahan ang isang lugar, o dadaanan ang isang ruta, hindi ako agad makatulog. Mabuti naman ang may pagka-makwento si Oca at hindi ako nainip. Napag-usapan namin ang buhay-buhay noong kolehiyo. At dahil magkasing-tanda kami at gawi siya sa UP Diliman, maraming pamilyar na bagay ang napag-kwentuhan. Sa daang Marharlika, bandang San Miguel, Bulacan na ako tuluyang inantok at nakatulog.

May mga pagkakataong naaalimpungatan ako sa mabilis na takbo ng bus. Bagama’t halos hindi ko maidilat ang aking mga mata dahil sa antok, nararamdaman ko na kami ay bumabagtas sa isang zigzag. Marami ring mga trak at bus kaming nakakasabay.

Sa isang parte ng Dalton pass (pero hindi ko pa alam na ito ang pangalan ng lugar nang oras na iyon), nagka-trapik at tuluyang nag-usad pagong ang bus. Ginagawa ang kalsada at sa wari ko’y may mag lugar na hindi maaaring magsalubungan. Kung tama ang tantiya ko, halos isang oras kaming ganito.

Ika-4 ng umaga nang kami ay huminto sa Nueva Vizcaya
Huminto ang bus sa isang gasolinahang may restoran sa Nueva Vizcaya. Ika-4 na ng umaga, bumaba kami para makapag-inat-inat at unat-unat. Siyempre, ako ay nagkape.

Matapos ang 30 minuto, muli naming binagtas ang daan patungong Banaue. Bandang ika-7 ng umaga, ng muli ang namulat, ito na ang aking nakita.
Ang bayan ng Lagawe, Ifugao
Humigit kumulang isang oras pa at narating na rin naming ang Banaue, Ifugao. Mula sa istasyon ng bus, sinalubong kami ni Webber ang aming guide. Lumipat kami sa isang pampasarehong jeep na inarkila patungong Batad. Nagbigay ng ilang paalala tungkol sa pag-iingat at kaligtasan ang aming guide pati na rin sa kung ano ang aming dapat asahan sa bachang.

Ilang paalala bago tumulak ng Batad


'Patikim' ng mga hagdan-hagdang palayan

Wednesday, August 1, 2012

Biak na Bato Adventure

Sa kagustuhang masulit ang bakasyon ng mga bata, sinusubukan naming pumunta sa isang bagong lugar bawat weekend noong tag-init. Sa paghahanap ng hindi-gaanong malayong lugar na maaaring gugulan ng isang buong maghapon, napagpasyahan kong tumungo sa Biak-na-Bato noong Abril 8, 2012. Bukod sa pagalalamyerda, inisip ko na ring magandang mapuntahan ang mga makasaysayang lugar.

Ang Paglalakbay
Humigi’t kumulang dalawang oras ang pagalalakbay patungo sa Biak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan. Dahil unang pagkakataon ko pa lamang na magmaneho sa daang-Maharlika, may kabagalan ang pagpunta dahil kasama rito ang pagmamasid at pagkuha ng mga larawan.
Huminto rin kami sa isang gasolinahan para makapag-inat-inat at ako naman ay nagkape.

Masarap na kape sa San Rafael


Pambansang Liwasan ng Biak-na-Bato
Bagama’t may kalayuan, hindi naman mahirap matunton ang lugar. Unang babati sa iyo ang mga nagalalakihang puno na nagbibigay lilim bagama’t mainit ang sikat ng araw. Sa isip-isip ko: “Aba, meron pa palang ganito.” Agad na may sumalubong na guides na may sukbit na mga ID sa amin. Matapos ang ilang minuto na pagpapaliwanag ukol sa lugar at pagbabayad ng entrance fee, sinamahan na kami ng aming guide papasok sa loob.
Ayon sa mapa, ang lugar ay may higit na isang-daang kuweba bagama’t ang loob ng parke ay may humigi-kumulang dalawampu na siyang pinaka-napupuntahan ng mga namamasyal.
Mapa sa Entrance

May historical marker pagpasok sa parke. Dito nakasaad ang kahalagahan ng Biak-na-Bato sa kasaysayan ng Pilipinas.
Dito nagkuta si Emilio Aguinaldo
Tulay patungo sa loob ng parke

Mga Kuweba at Ilog
Sa paglakad papasok, tatambad sa iyo ang mga rock formations.
Matutuwa ang mga geologists sa mga batong ito

Nagdesisyon an gaming guide na sa Paniki Cave kami humimpil para mag-picnic at maligo sa ilog. Dahil medyo maaga pa, kami ang nauna na lugar at nakapili ng magandang puwesto para paglatagan. Agad namang naglublob ang mga bata sa mababaw na lugar ng ilog.

Malamig na tubig, masayang paglubluban

Hindi na kailangang lumayo upang maranasan ang ganitong kapaligiran

Kay-sarap magpalamig


Matatapos ang humigit-kumulang isang oras, pinasya na naming pasyalan pa ang ibang lugar sa loob ng park. Nagsisimula na ring dumami ang mga tao batay sa mga nasasalubong sa daan boses na naririnig mo sa likod ng mga bato at puno.
Siyempre, dapat daanan ang Aguinaldo Cave. Ang pinakamalaking kuweba na siyang nagsilbing punong himpilan ni Emilio Aguinaldo.


Sadyang magaganda ang kuweba sa lugar na ito


Niyaya kami ng aming guide na tumungo sa Maningning Cave. Dito raw makikita ang mga makikislap na kristal. Bitbit ang flashlight, payuko kaming pumasok sa kuweba. Dahil ang daan papasok ay pababa at may kadulasan, nagpadausdos na lamang kami ng dahan-dahan.

Noon lamang ako nakapasok sa isang napakadilim na kuweba. Nakakahanga nga ang mga bata sapagkat hindi sila natakot. Samantalang ako ay huminto na pagdating sa isang madulas na lugar at hinintay na lamang silang bumalik. Nakakuha rin naman ako ng larawan ng ibang makikislap na bagay.

Stalactite sa Maningning Cave


Oras na ng tanghalian nang kami ay bumalik sa parking lot. Mabuti at may mga banyo kung saan kami ay nakaligo bago kumain sa karinderya doon rin sa may parking lot.

Sa pangkalahatan, isang nakakapagod ngunit masayang karanasan ang pagpunta sa Biak-na-bato. Malaki ang potensyal nito sa turismo.
Nais ko lamang din ilahad ang ilang puna ukol sa lugar:
  1. Maraming nagkalat na basura at plastik. Maganda kung maituturo sa bawat turistang magpupunta sa lugar ang kahalagahan ng hindi pagkakalat. Napaka-ganda ng lugar at huwag sanang hayaang masira ng mga kalat.
  2.  Paninira ng mga kuweba. Maraming bandalismo ang iba’t ibang lugar. Nakakahinayang sapagkat hindi na maibabalik ang dating anyo ng mga ito. May mga natitinda rin ng mga kristal na kihuha mismo sa loob ng kuweba. Sana ay mapaalalahanan ang mga naninirahan sa lugar na sila ang unang dapat mangalaga ng kanilang kapaligiran.
Sana sa aming pagbalik, kundi man mas umayos ay hindi n asana magtuloy-tuloy ang mga pagkasira ng lugar na aming nakita.

Monday, June 25, 2012

Magtanim (ng Puno) ay ‘Di Biro

Ika-23 ng Hunyo, 2012
Sitio Malalim, Bgy. San Juan, Baras, Rizal

Ang pagatatanim ng puno ay karananiwan nang nasa listahan ng mga dapat gawin ng isang tao habang siya ay nabubuhay. 

Nakakuha ako ng paanyaya mula sa Haribon Foundation para sa isang tree planting activity at agad kong naisip na isasama ko ang aking mga anak para rin maranasan nila ang ganitong gawain. Iyon nga lang, ang bunso ko lang ang aking naisama.

Briefing muna
Minsan na akong nakasama sa tree-planting noong 2010. Ang karaniwang larawan na iyong nakikita kung saan tila isang malawak na bukirin ang tataniman ng mga binhi, ay isang maliit na lugar lamang na karaniwang sinasakop ng tree-planting activity. Mas malaking lugar ang nakalaan sa gilid ng bundok. Dito, habang binabalanse mo ang iyong sarili na hindi dumausdos pababa, itinatanim mo ang binhi sa butas-sa-lupa at pilit ring papahirin ang pawis na tumatagaktak mula sa iyong noo.Ganito muli ang aming naranasan noong Sabado, Hunyo 23, 2012.

Munisipyo ng Baras
Ang Munisipyo ng Baras ang tagpuan ang karamihan sa mga volunteers. Maaga kaming dumating at naabutan pa ang ibang mga taga-roon na nag-e-ehersisyo.
Hukbong Pulis
Kasama ang isang hukbong ka-Pulisan, mga mag-aaral at iba pang volunteers,  binaybay naming ang kagubatan ng Sitio Malalim para magtanim. Ito ay bahagi ng Million Hectare Challenge ng Haribon. Dahil sa marami ang dumalo, mabilis kaming natapos. Dito mo makikita na sadyang maraming magagawa kapag ang lahat ay nagkaisa. 

 
Pauwi, tulog sa kabuuan ng biyahe ang anak ko – napagod ng husto. Pero nang tanungin ko kung gusto n’ya pang sumama ulit sa iba pang tree planting, isang malutong na OPO ang sagot. 
Pawisan kami pagkatapos
Bilang isang ina at isang indibidwal na nagmamahal sa kalikasan, nais ko kayong anyayahan na subukan ang gawaing ito. Ang bawat binhi ng puno na iyong itatanim ay tiyak na magbibigay-buhay sa mga susunod na salinlahi.