Monday, June 25, 2012

Magtanim (ng Puno) ay ‘Di Biro

Ika-23 ng Hunyo, 2012
Sitio Malalim, Bgy. San Juan, Baras, Rizal

Ang pagatatanim ng puno ay karananiwan nang nasa listahan ng mga dapat gawin ng isang tao habang siya ay nabubuhay. 

Nakakuha ako ng paanyaya mula sa Haribon Foundation para sa isang tree planting activity at agad kong naisip na isasama ko ang aking mga anak para rin maranasan nila ang ganitong gawain. Iyon nga lang, ang bunso ko lang ang aking naisama.

Briefing muna
Minsan na akong nakasama sa tree-planting noong 2010. Ang karaniwang larawan na iyong nakikita kung saan tila isang malawak na bukirin ang tataniman ng mga binhi, ay isang maliit na lugar lamang na karaniwang sinasakop ng tree-planting activity. Mas malaking lugar ang nakalaan sa gilid ng bundok. Dito, habang binabalanse mo ang iyong sarili na hindi dumausdos pababa, itinatanim mo ang binhi sa butas-sa-lupa at pilit ring papahirin ang pawis na tumatagaktak mula sa iyong noo.Ganito muli ang aming naranasan noong Sabado, Hunyo 23, 2012.

Munisipyo ng Baras
Ang Munisipyo ng Baras ang tagpuan ang karamihan sa mga volunteers. Maaga kaming dumating at naabutan pa ang ibang mga taga-roon na nag-e-ehersisyo.
Hukbong Pulis
Kasama ang isang hukbong ka-Pulisan, mga mag-aaral at iba pang volunteers,  binaybay naming ang kagubatan ng Sitio Malalim para magtanim. Ito ay bahagi ng Million Hectare Challenge ng Haribon. Dahil sa marami ang dumalo, mabilis kaming natapos. Dito mo makikita na sadyang maraming magagawa kapag ang lahat ay nagkaisa. 

 
Pauwi, tulog sa kabuuan ng biyahe ang anak ko – napagod ng husto. Pero nang tanungin ko kung gusto n’ya pang sumama ulit sa iba pang tree planting, isang malutong na OPO ang sagot. 
Pawisan kami pagkatapos
Bilang isang ina at isang indibidwal na nagmamahal sa kalikasan, nais ko kayong anyayahan na subukan ang gawaing ito. Ang bawat binhi ng puno na iyong itatanim ay tiyak na magbibigay-buhay sa mga susunod na salinlahi.

Thursday, June 14, 2012

Pinoy Kaya Mo Ba’To? - Kinaya namin!

Hangga’t ginaganahan ang mga batang tumakbo, hayaan lang…

Ito ang aking naisip nang minsang tumawag ang aking panganay at sinabing: “Nanay, may fun run sa UP. Kumuha ako ng flyer.” Pag-uwi ko kinagabihan, tiningnan ko ang flyer at nakitang ang fun run ay para naman pala sa mga mahihirap na pasente na may sakit sa bato.

Ginanap ang takbo sa UP Campus, Diliman – marahil isa sa may pinaka-magandang lugar at pinakasariwang hangin para sa ganitong kaganapan.

Hunyo 3, 2012
Dahil sa sampung minutong lakad lamang ang layo ng UP mula sa bahay, hindi na kailangang magmadali sa paghahanda. Gano’n pa man, maaga pa ring nagising ang mga bata para maghanda. Kakaunti lamang ang mga tao nang dumating kami. Simple lang din ang gayak ng starting area. 




Hindi naming alam ang ruta na susundin para sa 5 km pero hindi naman kaming nahirapan na alamin: Dalawang ikot sa acad oval, lalampas ng konti hanggang Main Lib, tapos, ikot pabalik sa umpisa. Iyon na.

Matapos ang higit 43 minuto para sa panganay na si Patricia, kami naman ni Pam ay higit 52 minuto dumating sa finish line. Binigyan kami ng Pocari Sweat at certificate. 

Sa pangkalahatan, hindi binigo ng fun run na ito ang aking mga inaasahan sa isang maliit na patakbo. ‘Yun lamang, may mga bagay na dapat isang-alang-alang kung sakaling gugustuhin nilang magpatakbo muli. Una sa aking listahan ang pagdadagdag ng water station. Iisa lamang ang inilagay sa ruta kung kaya’t uuhawin ang mga baguhan sa pagtakbo bago makainom muli. Maari din nilang tingnan na ilabas sa academic oval ang ruta para higit na makita ng mga kasali ang kagandahan ng UP Campus.

Maynilad Health Run


Kapag may pagkakataon, ini-enganyo ko ang mga anak ko na sumali sa mga fun run.Kaya nang makuha ko ang imbitasyon para sa Maynilad Health Run, kung saan maaari kang tumakbo sa isang restricted area ng La Mesa Watershed hindi ako nag-dalawang-isip na isali sila. 

 
May 12, 2012 - Sabado
Gaya ng nakagawian, maaga kaming gumising para maghanda. Walang patumpik-tumpik na nag-almusal, naligo at nagbihis. Ang mga dadalhing pamalit na damit ay nakalagay na rin sa kanya-kanyang bag.
Nag-taxi kami hanggang sa kanto ng Commonwealth Avenue at Winston St. at pagkatapos ay sumakay sa service vehicle na maghahatid sa La Mesa Eco Park.
Binalak ko lamang na samahan ang mga bata at hindi na ako tatakbo. Kakabigay ko lamang kasi ng dugo isang araw bago ang Fun Run at nag-aalinlangan ako. Pero nang sabihin ng mga nakabantay sa gate na bawal pumasok ang hindi tatakbo, bigla tuloy akong nagdesisyong tumakbo na rin. Gusto ko talaga kasing makita kung ano ang nasa likod ng bakod na “Restricted Area”. Tama ang ginawa kong desisyong sumali kahit saling-pusa. Sinabayan ko ang aking bunso bibit ang water bottle at sukbit ang bag.

Isang munting gubat na may sementadong daan ang aming tinakbuhan. Kung hindi lamang ito restricted ay tiyak na magiging isa ito sa mga lugar na dadayuhin ko. Nasubukan rin dito ang tibay ng tuhod dahil sa mga pataas-babang mga daan na talagang hihingalin ka. May sapat na tubig ang mga istasyon at pagdating sa finish line, may shower pa.

Pagkatapos, inikot naming mag-iina ang mga booth. May kumukuha ng blood-sugar at cholesterol. Mayroon din namang nagpapayo tungkol sa kalusugan. Sa mga ginutom, mayro’n ding bilihan ng mga pagkain.
 Sa kabuuan, masaya ang mga fun run gaya nito. Isang magandang pagbabago mula sa nakasanayang mas malalaking patakbo na karaniwan ay maingay, magulo at siksikan. Higit sa lahat, nakapag-ambag pa kami sa mga empleyado ng Maynilad na nangangilangan ng tulong.


* Ang ibang larawan ay kinuha mula sa Maynilad Sports site sa Facebook