Thursday, June 14, 2012

Pinoy Kaya Mo Ba’To? - Kinaya namin!

Hangga’t ginaganahan ang mga batang tumakbo, hayaan lang…

Ito ang aking naisip nang minsang tumawag ang aking panganay at sinabing: “Nanay, may fun run sa UP. Kumuha ako ng flyer.” Pag-uwi ko kinagabihan, tiningnan ko ang flyer at nakitang ang fun run ay para naman pala sa mga mahihirap na pasente na may sakit sa bato.

Ginanap ang takbo sa UP Campus, Diliman – marahil isa sa may pinaka-magandang lugar at pinakasariwang hangin para sa ganitong kaganapan.

Hunyo 3, 2012
Dahil sa sampung minutong lakad lamang ang layo ng UP mula sa bahay, hindi na kailangang magmadali sa paghahanda. Gano’n pa man, maaga pa ring nagising ang mga bata para maghanda. Kakaunti lamang ang mga tao nang dumating kami. Simple lang din ang gayak ng starting area. 




Hindi naming alam ang ruta na susundin para sa 5 km pero hindi naman kaming nahirapan na alamin: Dalawang ikot sa acad oval, lalampas ng konti hanggang Main Lib, tapos, ikot pabalik sa umpisa. Iyon na.

Matapos ang higit 43 minuto para sa panganay na si Patricia, kami naman ni Pam ay higit 52 minuto dumating sa finish line. Binigyan kami ng Pocari Sweat at certificate. 

Sa pangkalahatan, hindi binigo ng fun run na ito ang aking mga inaasahan sa isang maliit na patakbo. ‘Yun lamang, may mga bagay na dapat isang-alang-alang kung sakaling gugustuhin nilang magpatakbo muli. Una sa aking listahan ang pagdadagdag ng water station. Iisa lamang ang inilagay sa ruta kung kaya’t uuhawin ang mga baguhan sa pagtakbo bago makainom muli. Maari din nilang tingnan na ilabas sa academic oval ang ruta para higit na makita ng mga kasali ang kagandahan ng UP Campus.

No comments:

Post a Comment