Thursday, June 14, 2012

Maynilad Health Run


Kapag may pagkakataon, ini-enganyo ko ang mga anak ko na sumali sa mga fun run.Kaya nang makuha ko ang imbitasyon para sa Maynilad Health Run, kung saan maaari kang tumakbo sa isang restricted area ng La Mesa Watershed hindi ako nag-dalawang-isip na isali sila. 

 
May 12, 2012 - Sabado
Gaya ng nakagawian, maaga kaming gumising para maghanda. Walang patumpik-tumpik na nag-almusal, naligo at nagbihis. Ang mga dadalhing pamalit na damit ay nakalagay na rin sa kanya-kanyang bag.
Nag-taxi kami hanggang sa kanto ng Commonwealth Avenue at Winston St. at pagkatapos ay sumakay sa service vehicle na maghahatid sa La Mesa Eco Park.
Binalak ko lamang na samahan ang mga bata at hindi na ako tatakbo. Kakabigay ko lamang kasi ng dugo isang araw bago ang Fun Run at nag-aalinlangan ako. Pero nang sabihin ng mga nakabantay sa gate na bawal pumasok ang hindi tatakbo, bigla tuloy akong nagdesisyong tumakbo na rin. Gusto ko talaga kasing makita kung ano ang nasa likod ng bakod na “Restricted Area”. Tama ang ginawa kong desisyong sumali kahit saling-pusa. Sinabayan ko ang aking bunso bibit ang water bottle at sukbit ang bag.

Isang munting gubat na may sementadong daan ang aming tinakbuhan. Kung hindi lamang ito restricted ay tiyak na magiging isa ito sa mga lugar na dadayuhin ko. Nasubukan rin dito ang tibay ng tuhod dahil sa mga pataas-babang mga daan na talagang hihingalin ka. May sapat na tubig ang mga istasyon at pagdating sa finish line, may shower pa.

Pagkatapos, inikot naming mag-iina ang mga booth. May kumukuha ng blood-sugar at cholesterol. Mayroon din namang nagpapayo tungkol sa kalusugan. Sa mga ginutom, mayro’n ding bilihan ng mga pagkain.
 Sa kabuuan, masaya ang mga fun run gaya nito. Isang magandang pagbabago mula sa nakasanayang mas malalaking patakbo na karaniwan ay maingay, magulo at siksikan. Higit sa lahat, nakapag-ambag pa kami sa mga empleyado ng Maynilad na nangangilangan ng tulong.


* Ang ibang larawan ay kinuha mula sa Maynilad Sports site sa Facebook



No comments:

Post a Comment